Bloggista.net Global Posts

Get to know the latest buzz at Bloggista.net Blogs

Tula ng Mga Makata

Para sa Lahat ng Nagmamahal
(at Napapagod nang Umibig)
Ni: Diana Palmes

Tutulaan ko ang bawat
tagtuyot at tag-ulan
Aaliwin ko ang sarili
sa piling ng araw at buwan.
Samantalang wala ka…
saglit akong makikipag-ulayaw
sa hardin ng rosas at rosal.

Pipitas ako sa mga gunita
ng mga masasayang alaala.
Ibubungkos ko ang mga salita
gaya ng bulaklak na sa aki’y wala.

Sasamyuin ko
ang bawat taludtod,
damdaming makirot,
tampuhang di malimut-limot.

Hahawakan ko
ang mga tinik
ng mga metaporang
susugat sa dibdib
at magpapadaloy ng dugo
para sa sugatang puso.

Babalutan ko
ng titulong maganda
ang tulang nilikha.
Hanggang sa ang mga
paruparo’y mahalina.
Magagalak akong makita
na pakpak nila’y malagas isa-isa.
Gagawin ko iyong
dekorasyon ng pabalat
para sa pinapangarap
na tulang maisaaklat.

Bawat kulay ng pakpak
ay magpapatingkad
sa damdaming
ayaw nang bumukadkad.
Bawat kulay
magbibigay-buhay
sa nalalantang talulot
at dahong naluluoy,
sa dibdib na kumakabog
at pusong nadudurog.

Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>